Guilty Ako!
January 19, 2010Maraming pangyayari sa buhay ko ang kadalasa’y rason kung bakit ang hirap pumikit at matulog ng mahimbing. Nariyan ang mga bagay-bagay na inaambisyon kong maangkin.
Nung bata pa ako’y simple lang ang pangarap ko. Ngunit sa aking pagtanda, naniniwala na ako na kapag hawak mo na ang iyong pangarap ay kadalasa’y hindi pa rin sapat. Gultiy ako dito!
Naalala ko noong isang araw akoy bumisita sa aking tindahan, sumakay ako ng taxi at nagkaroon kami ng magandang pag-uusap ng matandang Batanguenyong drayber. Pinag-usapan namin ang mga kandidato pagkapangulo sa nalalapit na eleksiyon 2010. Isa sa lahat ng mga sinabi niya ang tumatak sa aking isipan. Ang tao, pag mahirap ay naghahangad yumaman. Pag yumaman na ay naghahangad maging mas mayaman. Kapagka nakamit na ang estadong sobra pa sa sapat ay naghahangad pa na maging milyonaryo at kasunod nun ang pagiging bilyonaryo.
Iisa lang ang napagtatnto ko sa sinabing iyon ni manong drayber: na ang tao ay mahirap makuntento. Nagkakasala, nagiging sakim, nakakagawa ng mga bagay-bagay na noong mga bata pa sila’y di nila lubos maisip na magagawa nila.
Ano kaya ang dapat gawin upang pawiin ang ganitong pag-uugali ng mga tao? Hindi ko alam! Ngunit, isang bagay ang tumutulong sa akin upang panatilihing nakatapak sa lupa ang aking mga paa; ang makasaksi sa ano mang paraan ang nararanasan ng ibang sadlak sa lupa.
Habang natatanaw ko ang kahirapan ng iba, nahihiya ako para sa aking sarili; kapag pinuproblema ko ang susoting damit sa kasal na pupuntahan habang ang iba’y pinakamagandang damit na ang hand-me-down clothes na galing sa donasyon ng kung sinu-sino, kapag nagrereklamo ako sa aking trabaho habang ang iba’y walang choice kundi ang manlimos para makakain man lang ng isang beses isang araw, kapag pinuproblema ko ang pambili ng makabagong laptop habang ang iba’y ni papel ay walang maipambili. Nakakahiya, di ba?
Bakit ako ganito? Na-guiguilty ako. Kaya pinangako ko sa sarili ko, tutulong ako sa mga taong nagsilbing ispirasyon ko o naging dahilan upang huwag tuluyang lumaki ang ulo ko sa ano mang paraan. Hindi ko alam kung epektibo pero basta’t makakatulong, gagawin ko.
Higit sa lahat, maraming salamat sa inyo. Hindi man napapansin ng iba pero kayo ay bayani sa tulad kong ginawa kayong inspirasyon upang di matulad sa iba na walang pakundangan sa pagpapayaman sa salapi. Kayo ang nagsilbing kaagapay ko upang pangalagaan ang meron ako ngayon. Dahil sa inyo, lalo kong minahal ang meron ako ngayon. Natuto akong makuntento at magpasalamat sa kung ano mang meron ako ngayon.
At dahil dito, marapat lang na may gawin din ako para sa inyo. Hayaan niyo ako na sa simpleng paraan ay makatulong ako ng paunti-unti sa inyo.




